Berlin

Ang Berlin ay ang kabesera ng Alemanya. May 3.7 milyong naninirahan, ito ang pinakamalaking lungsod sa bansa ayon sa lugar at populasyon, at ang pinakamalaking lungsod ayon sa populasyon sa buong Unyong Europeo, ayon sa populasyon sa loob ng mga limitasyon ng lungsod. Isa sa labing-anim na kinabibilangang estado ng Alemanya, ang Berlin ay napalilibutan ng Estado ng Brandeburgo at kadugtong ng Potsdam, ang kabesera ng Brandeburgo. Ang urbanong pook ng Berlin, na may populasyon na humigit-kumulang 4.5 milyon, ay ang pangalawang pinakamataong urbanong pook sa Alemanya pagkatapos ng Ruhr. Ang kabeserang rehiyon ng Berlin-Brandeburgo ay may humigit-kumulang 6.2 milyong mga naninirahan at ito ang ikatlong pinakamalaking kalakhang rehiyon ng Alemanya pagkatapos ng mga rehiyon ng Rin-Ruhr at Rin-Meno. Nagkaroon ng bigong pagtatangkang pag-isahin ang parehong estado noong 1996, at sa kabila ng nananatiling hiwalay, ang dalawang estado ay nagtutulungan sa maraming kalakaran hanggang ngayon. Ang Berlin ay tumatawid sa pampang ng Spree, na dumadaloy sa Havel (isang tributaryo ng Elbe) sa kanlurang boro ng Spandau. Kabilang sa mga pangunahing topograpikong tampok ng lungsod ay ang maraming lawa sa kanluran at timog-silangan na mga boro na nabuo ng Spree, Havel, at Dahme, na ang pinakamalaki ay ang Lawa Müggelsee. Dahil sa lokasyon nito sa Kapatagang Europeo, ang Berlin ay naiimpluwensiyahan ng isang banayad na pana-panahong klima. Halos sangkatlo ng lugar ng lungsod ay binubuo ng mga kagubatan, liwasan, hardin, ilog, kanal, at lawa. Ang lungsod ay nasa lugar ng diyalektong Gitnang Aleman; ang diyalekto ng Berlin ay isang varyant ng mga diyalektong Lausitzisch-Neumärkisch. Unang naidokumento noong ika-13 siglo at sa pagtawid ng dalawang mahalagang makasaysayang rutang pangkalakalan, ang Berlin ay naging kabesera ng Margrabyato ng Brandeburgo (1417 – 1701), ng Kaharian ng Prusya (1701–1918), ng Imperyong Aleman (1871). –1918), ng Republikang Weimar (1919–1933), at ng Alemanyang Nazi (1933–1945). Ang Berlin noong dekada '20 ay ang ikatlong pinakamalaking munisipalidad sa mundo. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang kasunod na pananakop nito ng mga matagumpay na bansa, nahati ang lungsod; ang Kanlurang Berlin ay naging isang de facto na eksklabo ng Kanlurang Alemanya, na napapalibutan ng Pader ng Berlin (mula Agosto 1961 hanggang Nobyembre 1989) at ng teritoryo ng Silangang Aleman. Ang Silangang Berlin ay idineklara na kabesera ng Silangang Alemanya, habang ang Bonn ay naging kabesera ng Kanlurang Alemanya. Kasunod ng muling pag-iisa ng Alemanya noong 1990, ang Berlin ay muling naging kabesera ng buong Alemanya. Ang Berlin ay isang pandaigdigang lungsod ng kultura, politika, media, at agham. Nakabatay ang ekonomiya nito sa mga high-tech na kompanya at sektor ng serbisyo, na sumasaklaw sa magkakaibang hanay ng mga malikhaing industriya, pasilidad ng pananaliksik, mga korporasyon ng media at mga pinagdadausang pangkumbensiyon. Ang Berlin ay nagsisilbing isang kontinental na pusod para sa trapiko sa himpapawid at tren at may napakakomplikadong ugnayan ng pampublikong transportasyon. Ang metropolis ay isang sikat na destinasyong panturista. Kabilang din sa mga makabuluhang industriya ang IT, mga parmasyutiko, inhinyeriyang biyomedikal, malinis na teknolohiya, biyoteknolohiya, konstruksiyon, at electronika. Ang Berlin ay tahanan ng mga unibersidad na kilala sa buong mundo gaya ng Pamantasang Humboldt, Pamantasang Teknikal, Malayang Unibersidad, Pamantasan ng mga Sining, ESMT Berlin, Paaralang Hertie, at Kolehiyong Bard ng Berlin. Ang Zoolohikong Hardin nito ay ang pinakabinibisitang zoo sa Europa at isa sa pinakasikat sa buong mundo. Dahil ang Babelsberg ang kauna-unahang malakihang estudyong pampelikulang complex sa mundo, ang Berlin ay isang lalong sikat na lokasyon para sa mga pandaigdigang paggawa ng pelikula. Kilala ang lungsod sa mga pagdiriwang, magkakaibang arkitektura, nightlife, kontemporaneong sining at napakataas na kaledad ng pamumuhay. Mula noong dekada 2000, saksi ang Berlin sa paglitaw ng isang kosmopolitang eksenang entrepreneurship. Nagtataglay ang Berlin ng tatlong Pandaigdigang Pamanang Pook: Pulo ng mga Museo, ang mga Palasyo at Liwasan ng Potsdam at Berlin, at ang mga Modernismong Pabahay ng Berlin. Kabilang sa iba pang mga tanawin ang Tarangkahang Brandeburgo, ang gusaling Reichstag, ang Potsdamer Platz, ang Alaala sa mga Pinaslang na Hudyo ng Europa, ang Alaala ng Pader ng Berlin, ang Galeriya ng Silangang Bahagi, ang Haligi ng Tagumpay sa Berlin, ang Katedral ng Berlin, at ang Toreng Pantelebisyon ng Berlin, ang pinakamataas na estruktura sa Alemanya. Maraming museo, galeriya, aklatan, orkestra, at mga pinagdadausan ng sports ang Berlin. Kabilang dito ang Altes Museum, ang Lumang Pamabansang Galeriya, ang Museong Bode, ang Museo Pergamo, ang Museuong Pangkasaysayang Aleman, ang Museong Hudyo Berlin, ang Museo ng Likas na Kasaysayan, ang Foro Humboldt, ang Aklatang Estatal ng Berlin, ang Opera Estatal ng Berlin, ang Filarmonika ng Berlin, at ang Maraton ng Berlin.


Developed by StudentB